BURGIS Ka Pala!
Matapos mapatalsik sa pinapasukang kolehiyo si Juni Locsin (Gabby Concepcion) ay napilitan itong ipagpatuloy ang pag-aaral sa Eastern College Of The Republic, isang pangkaraniwang unibersidad. Taliwas ito sa kinagisnang buhay ng binatang sanay sa marangyang kapaligiran. Dito uminog ang naratibo ng Burigis (Four Seasons Films, International, 1981) ni direktor Lino Brocka. Unti-unting nakuha ni Juni ang tiwala at pakikipag-kaibigan ng mga kamag-aral dahil sa nakaaangat sa buhay, kadalasa'y niyaya nito at inililibre ang mga bagong kabarkada. Natitipuhan ni Juni si Nedy (Amy Austria) isang kaklase ngunit binabalewala ng dalaga ang binata. Upang pagselosin, madalas banggitin ni Juni si Sheryl (Isabel Rivas) ang katipang kadarating lamang mula sa Amerika. Kinaiinisan si Juni ng pangkat ni Bogart (Rez Cortez) at kadalasa'y ginagawan nila ito ng kung anu-anong kalokohan. Nariyang tanggalan ng gulong ang kotse ni Juni at lagyan ito ng graffiti. Minsan ay nagtangkang labanan ni Juni si Bogart ngunit hindi ito nagtagumpay bangkus ay nabugbog pa ito at ang kanyang mga kasamahan. Sa pagnanasang makapaghiganti sa kahihiyang sinapit ay napagdesisyunan nitong muling harapin at labanan si Bogart. Dahil sa labis na problemang ibinibigay ni Juni sa mga magulang ay ipapadala ng mga ito kanilang anak sa Amerika upang doon ipagpatuloy ang pag-aaral. Dahil sa napipintong pag-alis ay naghanda si Sheryl ng isang pagtitipon kung saan inimbita nito ang mga kabarkada ni Juni sa kolehiyo at ang mayayamang kaibigan nito sa isang resort. Nagkaroon ng di pagkakaunawan sa pagitan nina Sheryl at Nedy na naging dahilan upang mag-away ang dalawa. Pinagsabihan ni Juni ang mga ito na lubhang ikinasama ng loob ni Nedy at mga kaklase nito. Upang muling manumbalik ang dating pagtitinginan ay tinulungan ni Juni si Nedy upang manalo ito bilang Miss Business Administration ng kolehiyo.
Masasabing malayo ang tema ng Burgis sa nakasanayan nang uri ng sineng likha ni Brocka. Ang isyu sa pagitan ng mayaman at mahirap ay hindi gaanong nabigyang pansin ng dulang pampelikula ni Jose Dalisay, Jr. Kulang ito sa mga tagpong magbibigay ng esensiya sa pagkakaiba ng mga ito. Hindi sapat ang pagpapakita ng mga eksenang dinadala ni Juni ang kanyang barkada sa mala-palasyo nitong tahanan at aanyayahing manood ng betamax. O di kaya'y ang paglilibre nito sa mga kaibigan at ang paggamit ng credit card upang maisalarawan ang pagkakaiba ng kanilang katayuan sa lipunan. Moderno ang lenguwahe ng mga kabataan sa pelikulang ito na siyang nagpahayag ng kanilang reyalidad. Ngunit sa panlabas na anyo ng urbanidad at sa kasamang pagkaprogresibo sa pananaw ng mundo, nananig pa rin sa lipunang Pilipino ang ideyolohiyang makakalaki sa mga larangang mahalaga sa isang kultura. Tila walang mapagpalayang pag-uusisa ang pelikula sa mga pagtatakda ng kaayusang ito at kung mayroon man, nababalewala ang paraan ng paglutas sa mga tunggaliang ipinakita sa loob ng naratibo. Tunay namang mahirap na paksa ang relasyong pantao ngunit alanganin ang posisyong pinipili ng pelikulang Burgis kung mayroon man. Nakanal din ito sa de-kahong pagsasalarawan ng mga mayayaman. Tulad din ng dati, katatawanang karikatura ang inilalabas sa pelikula samanatalang isang seryosong tanong sa hanay ng kabataan ang pagsaksi kundi man pagdanas sa penomenon ng mga nakakariwasa.
Direksiyon: Lino Brocka
Dulang Pampelikula: Jose Dalisay, Jr.
Sinematograpiya: Conrado Baltazar
Musika: Rey Valera
Editing: Augusto Salvador
Disenyong Pamproduksiyon: Joey Luna
Prodyuser: Four Seasons Fims, International
More Sine Nostalgia: Manila By Night 1980
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
0 comments:
Post a Comment