ONCE UPON A TIME... May Isang Tikbalang
Ang pagkawala ng mahiwagang kristal na simbulo ng katahimikan sa mundo ng mga lamang lupa ang nagbunsod kay Puga (Dolphy), isang tikbalang na siyang nagbabantay dito upang maglakbay sa daigdig ng mga tao kung saan kanyang nakadaupang-palad ang mga Anatala na naghahanap din sa nawawalang kristal ngunit may higit na mahalagang pakay ito, ang kunin si Gwen (Janice de Belen) upang dalhin sa kanilang mundo. Napasakamay nina Rommel (Richard Gomez) ang kristal, kasama si Lally (Chuckie Dreyfuss), ang nakababata nitong kapatid at Benny (Anjo Yllana), itinawid sila ni Puga sa kanyang daigdig upang iligtas si Gwen sa mga Anatala na ang tanging mithiin ay buhayin sa katauhan nito ang kanilang Prinsesa. Dahilan sa ang pagpapakasal lamang ng Prinsesa kay Bakal (Joel Torre), Prinsipe ng mga Rebelde ang maaring magdulot ng katahimikan sa kanilang mundo. Lingid sa kaalaman nina Rommel, may natatangi silang kapangyarihang dulot ng Batas Ng Dapo na kanilang ginamit bilang panlaban sa mga Anatala. Maigting ang pagnanasa ni Reyna Kamkam (Gloria Romero) na mapasakamay niya ang mahiwagang kristal dahil nais nitong lipulin kanilang mundo. Sa pagsasanib ng mga taong dapo at mga Rebelde ay kanilang nalipol ang mga Anatala at nagtagumpay si Puga sa kanyang pakikipagtunggali laban sa makapangyarihang Panginoong Bangurngor (E.A. Rocha). Ninais ni Gwen ang manatili sa mundo ng mga lamang lupa at tuluyang nagbalik sa kanilang daigdig ang mga taong dapo.
Napapalooban ng naiibang tekstura ang Once Upon A Time (Regal Films, 1986) ni direktor Peque Gallaga. Dinala ng pelikula ang mga manonood sa isang mundong napapalibutan ng makulay na mga tauhan. Mula sa pangunahing karakter, si Puga, ang tikbalang na binigyang buhay ni Dolphy ay mabababanaag ang kakaibang uri ng pagganap na ipinamalas ng komedyante. Maalam ang pag-unawa nito sa hinihingi ng kanyang papel. Taliwas sa mga komedyang karaniwan nitong ginagampanan. Higit na kinakitaan ng husay si Dolphy sa tagpong pinapangibabawan ito ng Sumpa Ng Lagapak, mahaba at tuhog ang nabanggit na eksena ngunit hindi ito kinakitaan ng pagpapatawa sa paraang islapstik. Maging sa mga dramatikong tagpo ay lubhang napaka-epektibo nito. Kapuri-puri naman ang suporta nina Gloria Romero, Richard Gomez at Janice de Belen s kani-kanilang mga papel. Samantalang makikitang lubos ang kaalaman ng mga manliilikha ukol sa mito ng mga lamang lupa. Tunay na nakakaaliw ang iba't-ibang uri ng likhang tulad ng mga panikokak, na tila maliit na mga dinosaurs at may pakpak na siyang nagdadala ng mensahe ukol sa mga pangyayaring nagaganap sa paligid, maari rin silang gawing pagkain ng mga Anatala. Naisalarawan ng maayos ang lunan ng istorya dahil sa mahusay ang aspetong biswal ng Once Upon A Time. Mula sa sinematograpiya ni Eduardo Jacinto at disenyong pamproduksiyon ni Don Escudero. Angkop din ang musikang inilapat ni Jaime Fabregas. Ngunit lahat ng papuri ay nararapat ibigay kay Gallaga at sa katulong nitong si Lorenzo Reyes. Naging matagumpay ang pelikula sa pagdadala nito sa mga manood sa kabilang mundong ginagalawan ng mga lamang lupa sa pamamagitan ng mga kaaya-ayang tanawin at nakakaaliw na mga tagpo.
Direksiyon: Peque Gallaga At Lorenzo A. Reyes
Dulang Pampelikula: T.E. Pagaspas At Rosauro de la Cruz
Sinematograpiya: Eduardo F. Jacinto
Musika: Jaime Fabregas
Editing: Jesus M. Navarro
Disenyong Pamproduksiyon: Don Escudero
Prodyuser: Regal Films
More Sine Nostalgia: Stardoom 1971
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
0 comments:
Post a Comment