Naniniwala Ka Ba Sa SWERTI?
Karaniwan sa Pelikulang Pilipino ang paglikha ng isang uri ng sineng ang tanging hangarin ay makapagbigay lamang ng panandaliang aliw sa mga manonood. Sa mga pelikulang tulad ng Waray-Waray (LVN Pictures,1954 ) napanood natin ang pagsasama ng mga aspetong komedya at musikal. Matagumpay na binuhay ni direktor Maryo J. de los Reyes ang ganyang uri ng pelikula sa Annie Batungbakal (NV Productions, 1979), Bongga Ka 'Day! (Associated Entertainment Corporation, 1980) at Ibalik Ang Swerti! (NV Productions, 1981). Halaw ang pamagat ng pelikula sa isang pamosong linyang pinasikat ni Estong sa isang pantelebisyong komersiyal para sa Interbank.
Ang Ibalik Ang Swerti ay patungkol sa magkaibigang Becky (Nora Aunor) at Jojie (Louella) na kapwa nagtatrabaho bilang bank teller. Nang mapagnakawan ang bangko na kanilang pinapasukan, napagdesisyunan ng dalawa na sila ang huhuli sa magnanakaw, sa dahilang nais nilang bumalik ang suwerteng nawala sa kanila. Tulad ng sinabi ni Becky, nanakawan nila ang magnanakaw. Lingid sa kanilang kaalaman, kinuha ni Diosdado Padilla kanilang Bank Manager (Johnny Wilson) ang serbisyo ng mga Private Detectives na sina Abanya at Legarda (The Reycards) upang imbestigahan ang naganap na nakawan sa kanilang bangko. Sa paulit-ulit na pagtatagpo ng kanilang mga landas, napagdesisyunan ng apat na pagtulungan na lamang nila upang mahuli ang magnanakaw na si Nunal. Nariyan ang pumasok sila bilang mga stage performers sa Cine Suerte kung saan unang nakadaupang-palad ni Becky ang magnanakaw. Sa gitna ng mga pangyayaring pumapaimbulog sa kuwento ng Ibalik Ang Swerti! ay ang masasayang tagpo ng awitan at sayawan na kung bibigyang pansin ay may kinalaman sa bawat temang nais tahakin ng kuwento nina Jake Tordesillas at Ipe Pelino.
Malaki ang naging ambag ng direktor na si Maryo J. de los Reyes sa tagumpay ng pelikula bilang isang komedya. Sa tulong ng masusing edting ni Edgardo Vinarao naging eksakto ang timpla ng mga nakakatuwang eksena. Ngunit ang nagbigay ng pinakamalaking kontribusyon sa Ibalik Ang Swerti! ay ang pagsasama nina Nora Aunor at Louella bilang Becky at Jojie. Kapansin-pansin ang bigayan ng dalawa sa bawat nakakatuwang sitwasyong kanilang kinapapalooban. Marami ang nagsasabing ang talento ni Nora sa komedya ang malaking pagkakaiba nito sa karibal na si Vilma Santos. Marahil ay naging malaking tulong ang mga pagkakataong nakatrabaho ni Nora ang ilan sa mga institusyon sa paglikha ng pelikulang komedya tulad nina F.H. Constantino (Relaks Lang Mama... Sagot Kita! LEA Productions, 1976), Ading Fernando (Kaming Matatapang Ang Apog! RVQ Productions, 1975) at Luciano B. Carlos (Batu-Bato Sa Langit (NV Productions, 1975) na humubog ng kanyang kahusayan sa komedya. Hindi nakakagulat na maari din itong makipagsabayan kay Vilma pagdating sa pagsasayaw na nakita natin sa mga naunang pelikulang pinagsamahan nila ni Maryo J. de los Reyes. Hindi rin matatawaran ang ipinamalas na galing sa pagpapatawa nina Louella at ng magkapatid na Reycards. Pinaghalong komedya at musikal... tunay na nakakaaliw at nakakabaliw ang Ibalik Ang Swerti!
Direksiyon: Maryo J. de los Reyes
Dulang Pampelikula: Jake Tordesillas At Ipe Pelino
Sinematograpiya: Jose Batac, Jr.
Musika: Hotdog
Editing: Edgardo Vinarao
Disenyong Pamproduksiyon: Fiel Zabat
Prodyuser: NV Productions
More Sine Nostalgia: Burgis 1981
Sine Nostalgia is made possible through the kindness of our good friend, and top nostalgia film critique, Jojo Devera. Visit Jojo's Blog at: http://sari-saringsinengpinoy.blogspot.com.
Technorati Tags:70s, 80s, film, movies, nostalgia
0 comments:
Post a Comment